Sunday, October 23, 2011

Agnus Dei



Bilang lingkod ng dambana mula taong 1997, marami na akong  napaglingkurang pari at obispo. Ang ilan sa mga una kong napaglingkurang misa ay ang kina Bp. Tom Yalung at yumaong Jaime Cardinal Sin. May ilang pari rin akong gustong-gustong paglingkuran gaya nina Fr. Godwin Tatlonghari, Fr. Dave Concepcion, Fr. Anton Pascual, Fr. Carlo Magno Marcelo, Fr. Rolly Garcia at maraming pang iba na kapag may schedule sa aming parokya ay inaabangan ko. Mahuhusay sila magsermon. Masigla, kauna-unawa at kaala-alala. Higit sa lahat, hindi nila minamadali ang misa. Bawat salitang lumalabas sa kanilang bibig ay pinaghahandaan at bawat letrang binabasa sa Missal ay ninanamnam bago inuusal nang may damdamin.

Ayoko ng madaliang misa. Madalas iniiwasan ko ang misa ng paring parang may hinahabol na lakad sa bilis magsalita. Ang Banal na Misa ang pinagkukunan ko ng lakas kaya naman nais kong sulit ang pag-upo ko nang isang oras o kahit higit pa. Minsan masining pa ang pagbabasa ng pari ng Panalangin ng Pagpupuri at Pasasalamat o Eucharistic Prayer. Gustong gusto ko ito kapag naihahatid ng pari sa mga mananampalataya ang senaryo ng Huling Hapunan. Bukod dito, may isa akong paboritong bahagi ng misa kung saan para sa akin nararapat lang maging madamdamin. Ito ay ang paghahati-hati ng Katawan ni Kristo at pag-awit ng Kordero ng Diyos.

Bukod sa Ama Namin, sa pag-awit ng Kordero ng Diyos na ata pinakamalakas ang sambayanan. Dumadagundong ang simbahan sa iisang tinig ng mga nagsisimba. Mas nabibigyang-diin na ang yugtong iyon ay para sa bayan. Kapag binabanggit ng kaibigan kong pari na si Fr. Orlin Ordoña ang mga katagang, “Ito ang Kordero ng Diyos...”, nakikita ko si Kristo na inaalay ang Kanyang sarili para tayo’y mabuhay. Marubdob. Madamdamin. Masimbuyo. Damang-dama Mong si Kristo ang tinatanggap mo sa Komunyon.
Sa tingin ko, kapag ang isang bagay o gawain ang pinagkukunan mo ng lakas, nararapat lamang na bigyan ito ng karampatang panahon. Ang pagrerecharge  ay may akmang oras na hindi dapat nauudlot upang mas maging mabisa.

Kung pipili tayo ng pagkukunan ng lakas, piliin natin ang paraan kung saan mas magiging sulit ang panahong iyon. Sa kapaguran ba naman ng bawat araw natin, bakit pa natin mamadaliin ang kaunting panahong makausap natin ang Diyos?

No comments: