hayaang buhay ko'y sa 'Yo maiawit.
Hindi ko na lubos maalala kung paano kumalabit sa isip ko ang mga titik na ito. Tipikal na araw iyon. Habang naghihintay na maikabit ang mga pyesa ng bagong kompyuter na binili ay minabuti ko nang mananghali muna sa isang malapit na kainan. Nilabas ko ang kwaderno at isinatinta ang mga linyang patula na nangungulit sa aking diwa ilang minuto na. Para sa apat na saknong, kapos pa sa ibig kong porma upang lumapat sa damdamin ng himig na matagal nang nagsusumigaw sa isang sulok ng aking kaisipan. "Aayusin ko na lang sa bahay." Sabi ko sa sarili ko.
Tulad ng usang uhaw sa tubig ng batis,
Ang aking kaluluwa sa 'Yo'y nananabik.
Nakapananariwang manalangin sa awit ng aking Unang Pakikinabang. Sa tuwing ako'y nagsisimba at ito ang kinakanta ng koro, nanunumbalik nang bigla ang apoy ng paghahangad na paglingkuran Siya. Siya na pinangakuan kong magiging matalik kong kaibigan buhat pa noong nasa ikalimang baitang pa lang ako. "As the deer..." ang himig ng mga paslit na tinig, umaawit na para kang pinaaalalahanang Siya ang una kong inasam bago pa man dumating ang maraming bagay sa aking buhay.
Hindi ko alam kung paano nangyari ang lahat. Naging bahagi ako ng korong sa dalumat ko lang tinangkang sabayang awitan. Nakatagpo ako ng mga taong nagustuhan ang mga himig ko. Napabilang ako sa isang pangkat ng magkakaibigang patuloy na nagpapaalala na sa kabila ng pagdududa ko sa aking sarili, naniniwala ang Diyos sa akin. Napasama ako sa mga taong nagsabing, "Sumulat ka pa nang marami!" sa panahong halos pinaslang ko na ang paniniwalang kapos ang aking kayang ibigay bilang manunulat at mang-aawit.
Sa pagbubunsod ng ikawalong album ng Hangad, maraming nabuksan sa akin. Saklaw nito hindi lamang ang pagiging mang-aawit at kompositor ko kundi maging ang pagiging tao sa kabuuan. Nanood ang mga tao ng dalawang konsiyerto. Nagbilihan ng kani-kaniyang sipi ng album. Ako naman, sa huling nota ng pangwakas na awitin, babaunin ko ang mga pagkatuto sa mga susunod na proyekto. Narinig ko na at naangkin ang mga salita ng Panginoon sa minsan naming pag-uusap. "Sapat ang biyaya ko para sa iyo kaya huwag mo itong pagdudahan."
No comments:
Post a Comment